Saturday, October 26, 2013

Family Day 2013

Unang taon ko ito sa High School kaya naman hindi ako masyadong sanay sa mga nagaganap sa High School Department ng paaralan. Naghanda ako ng maaga dahil kinakailangan kami sa STC ng 7:45. Dumating ako roon ng mas maaga sa oras na kailangan kami nandoon para makapag-ayos pa (maarte kasi eh...joke lang. Simple lang akong tao. weh??). Marami na akong mga nakitang mag-aaral na nakaayos na para sa pagtatanghal na mangyayari sa kalagitnaan ng araw. 
     
     Pagkadating ko sa silid-aralan ay inaya ako kaagad ng kaibigan ko na gumala (wala rin naman kasi akong gagawin at mainit sa classroom :) ). Pumunta kami sa tent nila kasama ang kanyang pamilya. Kaya niya lang pala ako sinama ay para gayahin yung make-up na suot ko sa ate niya (grabe). Okay lang naman sa akin iyon, ang kaso lang ay masakit na yung paa ko dahil naka-paa ako (inalis ko na kasi yung tsinelas ko) tapos naglalakad kami sa semento at mga bato-batong daanan (para akong dumaan sa isang rocky road na puro patusok yung dadaanan. makes sense? nevermind). Nang matapos ayusan yung kaibigan ko ay bumalik kami sa classroom.

     Labag man sa kalooban ko ay inaya ulit ako ng iba ko pang kaibigan na gumala sa mga booths. Ako naman ay pumayag dahil may kinaiinisan ako sa classroom (no offense to that person). Umikot kami at nakita namin ang anak ng mga guro namin sa iba't ibang mga asignatura. Dumugo pa nga yung ilong namin dahil yung isa ay fluent mag-English. Hindi raw kasi sanay yung anak niya mag-Tagalog kaya lagi daw madugo sa kanilang bahay (lol). Nakita ko pa yung kapatid ng aking kaklase. Kilala rin naman kasi ako ng kanyang daddy kaya okay lang na lumapit sa kanila. Matapos iyon ay naglakad-lakad kami sa mga corridors para mag-Good Luck sa ibang mga klase.

     Nakarating pa kami kung saan-saan at sa wakas ay dumating na rin ang oras para kami ay kuhanan ng class picture. Pumunta kami sa basement dahil doon kami naatasang kuhanan ng mga litrato. Nagkaroon pa nga ng problema dahil ang tataas ng aming mga headdress. Pero nagawan namin ito ng paraan. Kinuhanan kami ng formal, wacky (fierce), formal (w/ class adviser and teacher partner), at wacky (w/ class adviser and teacher partner, 'Sir Nunga pose' daw yun :) lol ). Matapos ang picture taking ay pinabalik na ulit kami sa aming classroom.

     Mga isa hanggang dalawang oras na ang nakalipas ay oras na para kami ay magtanghal sa harap ng maraming tao (aka parents, teachers, friends). Nang magsimula ang programa ay biglang dumating ang takot at kaba na baka kami ay magkamali o hindi magka-sabay-sabay. Hindi ko inintindi yung kaba at takot na naramdaman ko dahil pinaalalahan ko ang aking sarili na mag-enjoy at maging masaya para sa aking mga kaklase. Pinaalalahanan ko na rin sila sa mga dapat nilang sundin habang kami ay sumasayaw. 

     Nang kami na ang susunod na magtatanghal, bigla ulit akong kinabahan at natakot (normal naman siguro iyon sa lahat ng tao). Lagi kong sinasabi sa aking sarili na gawin ko lamang ang lahat ng aking makakaya at maging masaya lamang ako. Inisip ko na lamang na kaya namin ito. Manalo man o matalo ay magiging proud kami sa isa't isa.

     Nagsimula na kaming sumayaw. Noong una ay nasa tamang bilis ang pagbibilang kaso nang umusad ang daloy ng sayaw ay biglang nagmadali ang aking mga kaklase. Hindi nga sabay-sabay yung galaw ng kamay namin eh. Hinayaan ko na lang ito at nakiayon sa bilis ng pagsayaw ng buong klase. Natapos na rin ang sayaw at ako ay nakahinga na rin ng maluwag. Matapos din ay naghiwa-hiwalay na rin kami upang pumunta sa sari-sarili naming mga kabarkada.

     Kami ng isa kong kaklase (director) ay nanatili sa loob ng Covered Court upang hintayin ang Awarding Ceremony. Napag-isip-isipan ko lang, masyado pang matagal bago dumating ang oras ng pagbibigay ng resulta para sa mga mananalo. Kaya inaya ko ang aking kaibigan na maglibot-libot muna (nang naka-costume :( ).

     Kami ay todo suporta sa isang klase sa mas mataas na antas dahil sinuportahan din nila kami noong mga araw pa lang ng pag-eensayo. Naki-siksik pa nga kami sa mga magulang para lang mapanood sila. Natapos ang kanilang sayaw at kami ay umalis ng Covered Court para hanapin ang aking mga magulang. Nakita ko sila malapit sa gate ng Covered Court hinahanap ako. Sinabihan ko na lamang sila na hintayin ako dahil may Awarding Ceremony pa.

     Natapos na lahat ng mga magtatanghal at mga intermission numbers. Oras na para malaman kung sino ang mananalo. Ito ang pinaka-hinihintay na parte ng mga Adviser, Director at Lead Choreographers. Kami ay nakapila sa may ramp papasok ng Covered Court. Naisipan ng isa sa mga guro na gumawa kami ng 'gimik'. Ang bawat klase ay may sari-sariling mga posisyon sa kung papaano papasok sa Covered Court.

     Sa wakas ay tinawag na rin ang mga Adviser, Director at Lead Choreographers sa harap ng mga manonood. Ginawa namin ang aming 'gimik' na medyo hindi successful. Pinasuot pa nga namin yung headdress ng isa naming kaklase sa aming Adviser. Binigyan kami ng Banner of Appreciation (? hindi ako sigurado kung tama). Lahat ng mga manonood ay tahimik dahil hinihintay na nilang sabihin kung sino ang mananalo sa patimpalak na ito.

     Si Gng. Sacdalan ay nagsimula nang ipakilala ang mga Runner-Ups. Sinimulan niya ito sa baitang 7. Hindi namin iniisip na kami ay masasama sa mga itatanghal na panalo, pero kami ang itinanghal na Runner Up ng baitang 7. Ako, ang aming Adviser at ang Direktor ay hindi makapaniwala sa resulta. Kami ay nag-akapan at tumili sa sobrang saya. Kami ay tinawag sa harapan upang tanggapin ang aming kaukulang premyo. Ibinigay na lahat ng resulta at kami ay masayang-masaya dahil nanalo rin ang 8-2 na amin ding sinuportahan hanggang sa huli. 

     Kami ay tuwang-tuwa dahil sa naging resulta. Sinabi sa amin ng aming Adviser na okay lang kahit hindi kami ang nanalo ang importante ay ginawa namin ang lahat ng aming makakaya upang maging maganda ang aming pagtatanghal. Nang matapos ang seremonya ay sinugod na kami ng aming mga kaklase. Inakap nila kami ng sobrang higpit (hindi na ako makahinga noon). Inakap din kami ng mga taga-8-2.

     Pabalik na kami sa classroom para magbihis nang makita naming ang aming teacher partner na nasa Ferris Wheel. Sumigaw pa nga kami upang ibigay ang magandang balita. Sumigaw naman din siya pabalik ng “Congrats!!’. Sa sobrang tuwa ay medyo napaluha ako dahil worth it ang pagod, sakit at sugat ng mga paa, efforts  namin upang mapaganda ang aming sayaw.

     Lahat ng makakita sa akin ay laging nagsasabi ng ‘Congrats’, ’Ang galling niyo’ ,at ‘Good Job’. Ako naman ay medyo napapagod sa kakasabi ng ‘Thank you’, ‘Congrats din’, at ‘Salamat sa support. Proud ang aking pamilya dahil sobrang galing daw namin. Sayang nga raw kasi kaunti na lang ay kami na sana yung panalo. Katulad nga ng sinabi ni Sir Nunga ‘Iyan ang inilaan ng Diyos para sa atin maging masaya tayo sa desisyon niyang ito.’ (hindi ito yung exact words pero similar to that yung sinabi niya). Sinabi ko sa mommy ko na maging kampante na lamang tayo sa kung ano ang ibinigay na desisyon ng mga hurado sapagkat sila ang nakaaalam kung sino ang karapat-dapat na manalo.

     Matapos magbihis ay umikot-ikot muna ako at ang aking kapatid sa school grounds. Marami akong nakitang mga kaibigan na lumipat ng ibang paaralan. Nagsilbi itong mini reunion dahil hindi kami kumpleto. 

     Hindi rin nagtagal ay kinailangan na kaming umuwi para makapaghanda para kami ay makapagsimba. Nang kami ay nasa loob na ng simbahan ay agad akong lumuhod at nagpasalamat dahil kami ay tinanghal na Runner-up. Marami akong ipinagpasalamat dahil sa magagandang nangyari sa akin sa linggong iyon.

     Ngayon naman, sa bahay, ay mayroon silang ‘Halloween Celebration’ in other words Inuman Session. Pinapakanta na naman nila ako kaso wala akong boses (ewan ko kung bakit). Kaya eto ako ngayon sa aking kuwarto nagt’type ng blog post para naman madagdagan yung laman nito.



     Teka, mukhang napapahaba na yung sinusulat este tinatype ko. Gabi na rin masyado kaya ako ay magpapaalam na muna. Pinapangako ko na makakapag-post ako sometime this week. Thanks for reading and goodnight!! :)

0 comments:

Post a Comment